Ako at ang IPOPHL

by Christian Ian De Guzman

Iyan ang isa sa mga love team na nagbigay sa akin ng inspirasyon na tuklasin ang aking halaga bilang isang student-researcher. Masasabi kong love team kami ng IPOPHL sapagkat nakararamdam ako ng saya at pag-ibig sa kaniyang layuning mabigyan ng halaga, proteksyon, at pagkilala ang ating mga intellectual property. Sariwa pa rin sa akin ang mga ala-ala noong kami ay unang nagkita sa ginanap na 2nd IPOPHL-DLSU IP and Innovation Research Conference. Narito ang aking karanasan sa mga panahong iyon:

Bago pa man ako sumabak sa naturang kompetisyon, nasukat na ang aking sipag, tiyaga, at determinasyon mula sa Division and Regional Schools Press Conferences at Science and Technology Fairs. Hinding-hindi matatawaran ang tiwala sa aking sarili at ang kaba sa aking dibdib nang mabasa kong muli akong sasabak sa panibagong kompetisyon. Punong-puno ako ng pag-asa na ipagpatuloy ang aking pangarap at karanasan lalong-lalo na’t ang IPOPHL ang aking makakasama sa bawat hakbang tungo sa pagkilala ng aking intellectual property.

Nanginginig man sa kaba, hindi pa rin nito mahahadlangan ang init ng suporta ng aking pamilya at ang nag-aalab na tiwala sa aking sarili na makakamit ko ang tinitibok ng aking puso. Hinadlangan man ng COVID-19 pandemic ang pagbabahagi ng aking research project sa 2nd International Science and Invention Fair, masaya pa rin akong naibahagi ko ito sa 3rd National Science and Engineering Fair 2020 na nagbigay sa akin ng lakas na ipagpatuloy itong ibahagi upang mabigyan na rin ng proteksyon ng IPOPHL ang aking pinagsumikapang gawa.

Matapos ang buong araw na puno ng kaalaman at karanasan, nakamit ko ang inaasam-asam kong pangarap na matuto kasama ang IPOPHL. Hindi man nagawaran ng gantimpala o papuri mula sa mga hurado, masaya pa rin akong naibahagi ko ang aking gawa sapagkat alam kong nasa unang hakbang na ako tungo sa pagtuklas ng halaga ng aking intellectual property. Isa na itong napakalaking tagumpay para sa akin sapagkat napakahalagang malaman natin ang ating mga karapatan bilang isang mamamayang may pag-aaring intelektuwal.

Continue to dream, believe, and achieve – iyan ang naibahaging aral ng IPOPHL sa aking buhay bilang isang student-researcher at indibiduwal. Maraming salamat IPOPHL sa pagsama mo sa akin tungo sa pagkilala ng aking intellectual property. Hinding-hindi ko malilimutan ang una nating pagkikita na nagbigay sa akin ng saya, pag-ibig, at lakas na ipagpatuloy ang lahat ng ito. Muli, maraming salamat at Happy 25th Anniversary IPOPHL!